Ang pelikulang A Hidden Life ay nagsasalaysay ng buhay ni Franz Jägerstätter noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Nasaksihan niya ang kalupitan ng mga Nazi. Kaya naman, tumibay ang kanyang paniniwalang si Jesus lamang ang tunay na Panginoon. Dahil dito, tumanggi siyang manumpa ng katapatan kay Hitler. Ipinakikita rin sa pelikula ang sinapit niyang pagdurusa. Kabayaran ito ng kanyang pagiging tapat at pagkakaroon ng matapang na paninindigan.
Ibinilanggo si Franz at dumanas ng pagmamalupit. Sinabi pa ng ilang pari, "Hindi naman mahalaga sa Dios ang sinasabi mo. Ang mahalaga ay kung ano ang nasa puso mo." Para bang hinihikayat siyang sabihin na lamang ang "Hail Hitler" kahit hindi niya ito pinaniniwalaan para mailigtas ang kanyang buhay. Pero, sa halip na sumuko, nanalangin si Franz, "O Dios, tulungan mo akong maging tapat sa Iyo."
Ipinapakita rin sa Salmo 31 ang panalangin ng isang taong dumaraan sa matinding pagsubok at pagmamalupit. Nanalangin noon si Haring David, "Ikaw ang aking kanlungang bato, ang matibay kong tanggulan upang ako'y iligtas" (Salmo 31:2), habang pinagmamalupitan siya ng kanyang mga kaaway (tal. 4, 11). Sa gitna ng pagdurusa at paghamak ng mga tao sa paligid niya, pinili niyang manatiling tapat sa Dios (tal. 3, 10–13). Sa Bagong Tipan naman ng Biblia, nanalangin si Jesus, "Sa Iyong mga kamay ipinagkakatiwala Ko ang Aking espiritu"(tal. 5). Ito ang mga salitang binigkas ni Jesus habang dumaranas Siya ng paghihirap sa krus (Lucas 23:46).
Hindi kailanman binabalewala ng Dios ang katapatan ng mga nagtitiwala sa Kanya. Nanatiling tapat si Franz hanggang sa huli. Tulad ni Jesus, ibinigay Niya ang Kanyang buhay bilang kabayaran sa kaparusahan sa kasalanan. Pero, kung paanong muling nabuhay si Jesus, gayon din si Franz. Darating ang araw na bubuhayin din siya, kasama ng lahat ng nananatiling tapat kay Cristo.
