Minsan, milyon-milyong tao ang nagtipon sa ilang bahagi ng bansang Mexico at Estados Unidos upang masaksihan ang pambihirang eklipse ng araw. Habang binibilang ng mga tagapagbalita sa telebisyon ang nalalapit na sandali ng ganap na pagdilim, biglang natahimik ang mga tao. Pagkatapos, paulit-ulit na maririnig ang isang sigaw: "Oh my God!"
Napaisip ako nang marinig ko iyon. Hindi ko alam ang tunay na dahilan kung bakit iyon ang kanilang nasabi. Pero marahil, kapag nasasaksihan ng tao ang isang pambihira at kamangha-manghang pangyayari, likas niyang hinahanap ang isang nakakahigit sa kanya. Isang dapat kilalanin, pasalamatan, at sambahin. Gayon din naman ang isinulat ni Haring David. Sinabi niya, "Ipinapakita ng kalangitan ang kadakilaan ng Dios, ang gawa ng kanyang kamay" (Salmo 19:1 asnd).
Sa Bagong Tipan naman ng Biblia, isinilaysay ni Lucas ang mga huling sandali ni Jesus sa krus. "Nang mag-aalas dose na ng tanghali, nawala ang liwanag ng araw, at dumilim sa buong lupain sa loob ng tatlong oras. At ang kurtina sa loob ng templo ay nahati mula sa itaas hanggang sa ibaba." (Lucas 23:44–45 asnd). Idinagdag ni Mateo ang naging tugon ng mga nakasaksi sa pangyayaring iyon: “Ang kapitan at ang kanyang mga sundalo na nagbabantay kay Jesus ay nasindak nang mayanig ang lupa at nang makita ang mga pangyayari. Sinabi nila, “Totoo ngang siya ang Anak ng Dios!” (Mateo 27:54 asnd). Hindi nila napigilang kilalanin ang Dios na nararapat sambahin. Gayon din naman, nararapat sa ating pagsamba ang Dios sa tuwing nakikita natin ito sa pamamagitan ng Kanyang nilikha at sa mga ginawa ni Jesus.
