Noong tag-araw, halos araw-araw na naglalaro sa duyan ang mga batang nakatira sa likod ng aming bahay. At halos kasabay ng kanilang tawanan ang paulit-ulit na langit-ngit ng lumang duyan. Masakit sa tenga at nakakainis. Pero balewala sa mga bata iyon at wala silang kapaguran. Pero habang ipinapanalangin ko ang inis na nararamdaman ko, unti-unting binago ng Dios ang pananaw ko. Napansin ko ang saya at tawanan ng mga bata dahil nagtitiwala ang mga ito na ligtas sila dahil nandoon lang sa malapit ang kanilang mga magulang.
Ganoon ding namang pagtitiwala ang tinukoy ni Jesus nang magsalita Siya tungkol sa mga bata. May mga magulang noon na nagdala ng kanilang mga anak upang pagpalain ni Jesus. Pero, pinagalitan sila ng mga alagad at pinigilan (Marcos 10:13). Nang makita iyon ni Jesus, hindi Siya natuwa. Sinabi ni Jesus, “Hayaan nʼyong lumapit sa Akin ang mga bata. Huwag nʼyo silang pigilan, dahil ang mga katulad nila ay kabilang sa kaharian ng Dios. Sinasabi ko sa inyo ang totoo, ang sinumang hindi tumatanggap sa paghahari ng Dios na gaya ng pagtanggap ng isang maliit na bata ay hindi mapapabilang sa kaharian ng Dios.” (tal. 14–15).
Hindi ito ang unang pagkakataon na itinuro ni Jesus. Noong nagtatalo ang Kanyang mga alagad kung sino ang pinakadakila, niyakap Niya ang isang bata at sinabi, “Ang sinumang tumatanggap sa batang tulad nito dahil sa akin ay tumatanggap din sa akin” (Marcos 9:37). Muli, ipinakita ni Jesus ang parehong katotohanan nang yakapin Niya ang mga bata, ipatong ang Kanyang mga kamay sa kanila, at pagpalain sila (Marcos 10:16). Napakagandang paalala nito na magtiwala tayo kay Jesus tulad ng pagtitiwala ng isang bata.
