"Napakalupit na gawain ang pagsisinungaling." Ito ang isinulat ng Aleman na si Meister Eckhart sa isa niyang tula. Inilarawan niya ang malaking pagkakaiba ng relasyong nakabatay sa tiwala at ng relasyong winawasak ng kasinungalingan. Inihambing niya ang mga salitang totoo at puno ng pag-ibig sa mababangong pampalasa na nagbibigay-sarap sa bawat araw. Ngunit ang kasinungalingan ay parang lindol na gumigiba sa isipan at lason na sumisira sa kaluluwa.
Ang tema tungkol sa pagsisinungaling at pagiging tapat ay makikita rin natin sa buong Biblia. Nang ipaliwanag ni Apostol Pablo sa mga bagong mananampalataya ang kaibahan ng dating pamumuhay at ng bagong buhay kay Cristo, binigyang-diin niya ang pagsasabi ng totoo. Sinabi ni Pablo, "Huwag kayong magsinungaling sa isaʼt isa, dahil hinubad nʼyo na ang dati ninyong pagkatao at masasamang gawain, at isinuot na ninyo ang bagong pagkatao" (Colosas 3:9–10 asnd).
Marami tayong dahilan kung bakit natutuksong magsinungaling o baluktutin ang katotohanan. Kung minsan, iniisip nating ito ang pinakamadaling paraan upang protektahan ang ating sarili o ang iba. Ngunit dahil sa pag-ibig ni Cristo at sa patuloy na pagkilos ng Banal na Espiritu, tinuturuan Niya tayong mamuhay nang may pagmamalasakit, maganda ang kalooban, mapagpakumbaba, mabait at mapagtiis (Colosas 3:12). Tinuturuan din Niya tayong magpatawad at magmahal, sapagkat dito nabubuo ang tiwala at kapayapaang nagbibigay ng tunay na kapahingahan sa ating puso (tal. 15).
