Minsan, nakaabang na sa fellowship hall ng isang simbahan ang mga sandwich at hiwa-hiwang pakwan para sa mga nakikiramay sa isang burol. Nakaupo sila sa mga natitiklop na upuan sa isang simpleng bulwagan. Pangkaraniwan lang ang lahat maliban sa mangangaral. Sikat kasi siya sa pangangaral sa harap ng libu-libong tao sa malalaking pagtitipon. Gayon pa man, nang araw na iyon, buong sigla rin siyang nangaral sa maliit na pagtitipong iyon.
May pagkakatulad naman sa pangyayaring iyon ang bilin ni Apostol Pablo kay Timoteo noon. Sinabi ni Pablo kay Timoteo na ipangaral ang Salita ng Dios at maging handa sa tamang panahon kahit hindi mukhang angkop ang pagkakataon. Tuparin din ang lahat ng tungkulin bilang isang mabuting lingkod ng Dios (2 Timoteo 4:2–5). Lahat ng tungkulin at hindi lamang ang mga gawaing nakikita ng marami o ginagawa sa malalaking entablado. Pangkaraniwan o espesyal na araw man ang pagtitipon buong tapat kang maglingkod sa tungkulin mo.
Ipinaalala rin ni Pablo na may nakatingin sa bawat ginagawa natin. Ipinaalala rin niya kay Timoteo na naglilingkod siya sa harapan ng Dios at ni Cristo Jesus, na hahatol sa mga buhay at sa mga patay (2 Timoteo 4:1). Maaaring maliit ang lugar kung saan ka naglilingkod, pero magandang alalahanin na malaki ang Dios na iyong pinaglilingkuran. Inaasahan Niyang paglingkuran mo Siya nang buong katapatan. Kaya gawin mo ang lahat para sa Kanya, umaasa sa kapangyarihan ng Kanyang Espiritu. Sa iyong mapagpakumbaba at tapat na paglilingkod sa iba, naluluwalhati si Cristo.
