Naging tanyag ang bente anyos na pintor na si Albrecht Dürer dahil sa kanyang pambihirang talento sa murang edad. Pinuri siya ng mga kritiko ng sining noong kanyang panahon bilang isa sa pinakamahusay na alagad ng sining. Habang lalo siyang sumisikat, sinikap ng maraming makapangyarihang tao na kunin ang kanyang serbisyo kapalit ng marangyang pamumuhay at maginhawang buhay.
Sa itinuturing ng maraming dalubhasa na pinakamahusay niyang obra, iginuhit ni Dürer ang kanyang sarili na may mga katangiang inakala nilang kahawig ni Jesus. May mahaba at kulot na buhok, may balbas, at mga matang nagpapahiwatig ng pagiging banal. Inakala ng ilan na ipinagmamalaki lamang niya ang kanyang sarili. Ngunit ayon sa mga nakakakilala sa kanya, iba ang kanyang layunin. Nais niyang mamuhay sa paraang makikita ng mga tao si Jesus sa kanyang buhay.
Kung tunay nating kilala si Cristo, ito rin ang dapat maging layunin natin. Sa oras na sumampalataya tayo kay Jesus at tanggapin ang Kanyang kamatayan at muling pagkabuhay bilang tanging paraan upang maligtas sa kaparusahan sa kasalanan, hindi na tayo nabubuhay para sa ating sarili kundi para kay Cristo (Galacia 2:19). Tayo ay mga nakay Cristo na. Ganito rin ang sinabi ni Apostol Pablo tungkol sa pagbabagong ginawa ng Dios sa kanyang buhay: “Namatay akong kasama ni Cristo sa krus. Hindi na ako ang nabubuhay sa aking sarili, kundi si Cristo na” (Galacia 2:20 asnd). Makita nawa ng mga tao si Cristo sa ating pamumuhay. Habang namumuhay tayo sa gabay ng Banal na Espiritu, nawa'y ang Kanyang kaluwalhatian ang magningning sa atin upang Siya, at hindi tayo, ang mapansin ng mundo.
