Matapos halos wasakin ng pagbaha dulot ng Hurricane Helene ang isang maliit na bayan sa North Carolina sa bansang Amerika noong 2024, may napansin ang isang pastor na paulit-ulit na nangyayari. Sa bawat pagkakataon daw na tinatanong siya ng mga tao, “Ano ang kailangan ninyo?” parang laging dumarating ang tulong sa tamang oras. Kailangan ba ng mga charger ng cellphone? Bigla na lamang dumating ang isang lalaki na may dalang power generator. Kulang ba ng maiinom na tubig? Biglang dumarating ang maraming bote ng tubig. Nagkataon lang ba ang lahat ng ito?
Itinuturo naman sa Biblia na hindi lamang nagkataon ang mga ganitong pangyayari. Sinabi ni Apostol Pablo, “At dahil kayoʼy nakay Cristo Jesus, ibibigay sa inyo ng aking Dios ang lahat ng pangangailangan nʼyo, mula sa kasaganaan ng kayamanan Niya” (Filipos 4:19 asnd). Maaaring mahirap panghawakan ang pangakong ito para sa isang bayang halos nilamon ng rumaragasang baha. Pero, nang isulat ni Pablo ang mga salitang iyon, nakabilanggo siya. Alam niya kung ano ang sitwasyon ng isang naghihirap at nangangailangan ng tulong.
Sumulat si Pablo sa mga mananampalataya sa Filipos upang pasalamatan sila sa tulong na ipinadala nila sa kanya. Maliban sa kanila, wala nang ibang tumulong sa kanya (tal. 15). Ginamit sila ng Dios upang tugunan ang kanyang pangangailangan. Kaya naman itinuro ni Pablo na pasalamatan ang Dios dahil Siya ang pinagmumulan ng lahat ng pagpapalang nasa kay Cristo Jesus. Sa Kanya, tinanggap natin ang “lahat ng pagpapalang espirituwal” (Efeso 1:3). Nagbibigay si Jesus ng kagalakan, kapayapaan, kaligtasan, at lahat ng kailangan natin upang mamuhay ayon sa Kanyang kalooban. At kung kailangan natin ng maiinom na tubig o anumang praktikal na pangangailangan, kaya rin Niya itong ipagkaloob sa tamang panahon. Tunay na mapagmahal at mapagbigay ang ating Dios.
