Nang bumisita ako sa bansang Ireland, napansin kong kahit saang sulok, mayroong palamuti ng halamang shamrock. Tampok ang shamrock sa halos lahat. Mapadamit man, sombrero, o alahas.
Hindi lang simbulo ng Ireland ang shamrock. Ginagamit din ito upang ipaliwanag ang Tatlong Persona ng Dios sa simpleng paraan. Mahirap unawain na mayroong iisang Dios na may Tatlong Persona: Dios Ama, Dios Anak, at Dios Espiritu. Higit ang katotohanang ito sa limitadong pag-iisip ng tao. Kaya kahit hindi sapat, nakatutulong ang tatlong dahon sa iisang tangkay ng shamrock bilang paglalarawan sa iisang Dios na may Tatlong Persona.
Totoong hindi makikita sa Biblia ang salitang “Tatlong Persona.” Pero bantad naman sa Biblia ang konseptong ito. Mababasa natin sa iba’t ibang pagkakataong sabay-sabay na naroon ang Tatlong Persona ng Dios. Isang halimbawa ang pagbautismo sa Dios Anak na si Jesus. Bumaba kay Jesus ang Dios Espiritu na “tulad ng isang kalapati,” habang narinig naman ang tinig ng Dios Ama na nagsabing “Ikaw ang minamahal kong Anak” (MARCOS 1:10-11).
Ginagamit ng mga taga-Ireland ang shamrock upang matulungan ang marami na maunawaan ang Tatlong Persona. Dahil alam nilang habang nauunawaan natin ang Tatlong Persona, lumalalim din ang ating pagkakakilala sa Dios. At habang nakikilala natin ang Dios, lalo natin Siyang nasasamba sa “espiritu at katotohanan” (JUAN 4:24).