“Panalangin para sa brain scan.” “Sana manumbalik sa simbahan ang mga anak ko.” “Kaalwanan para kay Dave na binawian ng asawa.” Kada linggo, nakatatanggap ang card ministry team namin ng mga ganitong kahilingan upang aming ipanalangin at sulatan. Sa sobrang dami ng mga kahilingan, parang napakaliit at walang halaga ng aming pagsisikap. Pero nagbago ang pag-iisip ko nang makatanggap ako ng taos-pusong pasasalamat mula kay Dave, kalakip ang obitwaryo ng kanyang yumaong asawa. Nanumbalik sa akin ang kahalagahan ng panalangin.

Inihalimbawa ni Jesus na dapat tayong manalangin nang taimtim, madalas, at may pananampalataya. Bagama’t limitado ang Kanyang oras sa lupa, inuna Niyang magsantabi ng oras para manalangin nang mag-isa (MARCOS 1:35; 6:46; 14:32).

Natutunan din ni Hezekia, hari ng Juda, ang aral na ito. Sinabihan siyang malapit na siyang mamatay dahil sa sakit (2 HARI 20:1). Napaiyak si Hezekia, “humarap siya sa dingding at nanalangin sa Panginoon” (TAL. 2). Agad ang naging tugon ng Dios. Pinagaling siya, dinagdagan ng labinlimang taon ang buhay, at pinangakuang ililigtas ang kanyang lungsod mula sa kalaban (TAL. 5–6). Sinagot ng Dios ang kanyang panalangin hindi dahil sa maayos niyang pamumuhay kundi “para sa [Kanyang] karangalan” (TAL. 6). Maaaring hindi natin makamit kaagad ang lahat ng sagot sa ating dinarasal. Ngunit makatitiyak tayong kumikilos ang Dios sa lahat ng ating mga panalangin.