Noong pumanaw si Tiyo Emory, marami at iba-iba ang mga papuri at pagpupugay sa kanya. Pero iisa ang tema. Ipinamalas niya ang pag-ibig niya sa Dios sa pamamagitan ng paglilingkod sa kapwa. Lalo na noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig kung saan nagsilbi siya sa sandatahang lakas bilang corpsman o isang manggagamot na sumusuong sa giyera nang walang dalang sandata. Nabigyan ng mataas na parangal ang kanyang katapangan. Pero mas nakilala siya dahil sa mahabagin na paglilingkod niya sa loob at labas ng panahon ng giyera.

Hindi makasarili si Tiyo. Nakita sa buhay niya ang hamon ni Apostol Pablo sa mga taga Galacia: “Mga kapatid, tinawag kayo upang maging malaya. Ngunit huwag ninyong gamitin ang kalayaan n’yo para pagbigyan ang mga pagnanasa ng laman. Sa halip, magmahalan kayo’t magtulungan” (GALACIA 5:13). Pero paano? Hindi pangkaraniwan sa ating mga makasalanan na unahin ang kapakanan ng iba kaysa sa sarili. Saan nga ba nanggagaling ang pagiging hindi makasarili?

“Dapat maging katulad ng kay Cristo Jesus ang pananaw n’yo,” ang paghimok sa atin ni Apostol Pablo sa Filipos 2:5. Inilarawan niya ang pagkukusang loob ni Jesus na ipako at mamatay sa krus dahil sa dakilang pag-ibig Niya para sa atin. Ang Banal na Espiritu ang humuhubog sa atin upang maging kagaya ng isip ni Cristo. Tanging sa pamamagitan ng Banal na Espiritu natin magagawang maglingkod sa ibang tao. Kapag nagawa natin iyan, nasasalamin sa buhay natin ang pagsasakripisyo ni Jesus ng buhay Niya para sa atin. Sundin nawa natin ang ginagawa ng Banal na Espiritu sa ating buhay.