Minsan, ilang beses na inunahan nang mabilis ng kapitbahay kong si Tim ang ibang mga sasakyan para masundan ako. Kaya nang makarating na kami sa pupuntahan namin, biniro ko siya kung iba ba ang nagmamaneho at hindi siya.
Pagsapit ng Linggo, naiwan ko sa bahay ang mga isinulat ko para sa aking sermon. Mabilis akong nagmaneho pauwi upang kunin ang mga iyon at nadaanan ko si Tim. Nang magkita kami ulit, biniro niya ako kung iba rin ang nagmamaneho ng sasakyan ko. Natawa kaming dalawa, pero alam ko na gusto niyang iparating na dapat sinunod ko ang speed limit.
Hinihikayat tayo ng Biblia na ihandog sa Dios ang bawat bahagi ng ating mga sarili (ROMA 6:13). Kaya naman, itinuring ko ang sinabi ni Tim bilang paalala ng Dios na dapat kong ipaubaya sa Kanya ang pagpapatakbo ng buhay ko. Dapat kong ibigay sa Dios ang aking buong sarili bilang pagpapakita ng pagmamahal ko sa Kanya.
Sino o ano ang nagpapatakbo sa bawat bahagi ng ating buhay? Ang dati ba nating pagkatao na puno ng alalahanin at takot, o kaya’y sarili nating kagustuhan ang hinahayaan nating magpatakbo nito? O nagpapasakop ba tayo sa mapagmahal na Espiritu ng Dios at sa Kanyang biyaya na tumutulong sa atin na mas maging matatag?
Makabubuti para sa atin ang magpasakop sa Dios. Sinasabi sa Biblia na dadalhin tayo ng karunungan ng Dios sa landas na maaliwalas at payapa (KAWIKAAN 3:17). Mas mabuting sumunod kung saan Niya tayo dinadala.