Dumilim ang buong paligid nang maglaho ang buwan. Sinundan ito ng kulog, kidlat at malakas na buhos ng ulan. Kaya naman bilang bata ay natakot ako at kung anu-ano ang naisip ko. Pagkagising ko naman kinabukasan, maliwanag na at napakapayapa na ng paligid. Napakalaki ng pagkakaiba nito sa naranasan ko noong gabi.

May ganito ring karanasan ang mga Israelita noon sa Bundok ng Sinai na inalala ng sumulat ng aklat ng Hebreo. Nanginig sila sa takot nang magdilim ang paligid, kumulog at kumidlat (EXODUS 20:18-19). Nakakakilabot para sa kanila ang presensya ng Dios dahil alam nila na bilang mga makasalanan, hindi nila kayang abutin ang Kanyang pamantayan. Ang kanilang kasalanan ang nagdala sa kanila para mamuhay sa kadiliman at takot (HEBREO 12:18-21).

Ngunit ang Dios ay liwanag at sa Kanya’y walang anumang kadiliman (1 JUAN 1:5). Sa Hebreo 12, kinakatawan ng Bundok ng Sinai ang kabanalan ng Dios at ang dati nating makasalanang pamumuhay. Ang Bundok ng Zion naman ang kumakatawan sa awa ng Dios at ang panibagong buhay kay Cristo, ang tagapamagitan natin sa Dios sa bagong kasunduan (TAL. 22-24).

Ang sinumang sasampalataya kay Jesus ay “hindi na mamumuhay sa kadiliman, kundi magkakaroon ng ilaw na nagbibigay-buhay” (JUAN 8:12). Sa tulong ni Jesus, tuluyan na nating itakwil ang madilim nating pamumuhay at lumakad sa Kanyang liwanag.