Isang sakiting bata noon si William Carey na mula sa isang simpleng pamilya na naninirahan sa Northampton, England. Dahil dito, tila hindi magiging maganda ang kanyang kinabukasan. Ngunit may plano para sa kanya ang Dios. Sa kabila ng mga balakid, nagpunta siya sa India upang ipahayag ang Salita ng Dios. Nagkaroon ng mga pagbabago sa bansang iyon dahil sa kanya at naisalin niya ang Biblia sa iba’t ibang wika ng mga Indiano. Mahal ni William ang Dios at ang mga tao at marami siyang nagawa para sa Dios.
Maituturing na ordinaryong tao rin ang bunsong anak ni Jesse na si David. Isa lamang siyang simpleng pastol sa kaburulan ng Betlehem (1 SAMUEL 16:11-12). Ngunit hindi ito ang nakita ng Dios kay David kundi ang kabutihan ng kanyang puso kung kaya’t may planong inilaan para sa kanya ang Dios. Samantala, hindi na nais ng Dios na magpatuloy sa pagiging hari si Saul dahil sa pagsuway nito sa Kanya. Tinawag ng Dios ang propetang si Samuel upang magtalaga ng bagong hari na isa sa mga anak ni Jesse.
Nang makita ni Samuel ang matangkad at makisig na si Eliab, inisip niyang ito ang pinili ng Dios na maging hari (TAL. 6). Ngunit iba ang pamantayan ng Dios sa pagpili ng hari. Kaya’t nang pinili ng Dios si David, maaaring napaisip ang lahat kung bakit kaya siya ang pinili ng Dios gayong isa lamang itong simpleng pastol. Ano nga ba ang magagawa nito para sa kanyang bansa?
Isang kaaliwan para sa atin na malamang batid ng Dios ang nilalaman ng ating puso at may plano Siya para sa atin.