Nakatanggap ng isang voicemail ang isang lalaki mula sa isang pulis. Tapat at sumusunod naman siya sa batas pero lubos siyang nag-alala na baka may nagawa siyang mali. Dahil sa takot, hindi niya tinawagan ang numerong ibinigay ng pulis. Ilang gabi rin siyang hindi nakatulog sa pag-iisip kung ano ang mga posibleng mangyari. Bagamat hindi na siya nakatanggap ng tawag mula sa pulis, ilang linggo pa bago tuluyang nawala ang pag-aalala niya.
May itinanong naman si Jesus tungkol sa pag-aalala: “Sino sa inyo ang makakapagpahaba ng kanyang buhay nang kahit isang saglit sa pamamagitan ng pag-aalala?” (MATEO 6:27). Sa tanong na ito, marahil ay maliliwanagan tayo na hindi makakatulong ang pagalala sa mga problema natin.
Sa tuwing may problema tayo, maaari natin itong gawin: ang gumawa ng aksyon at ipagkatiwala ito sa Dios. Humingi tayo ng gabay sa Dios sa kung anong aksyon ang maaari nating gawin upang masolusyunan ang ating problema. Pero kung wala na talaga tayong magagawang paraan, hindi tayo dapat mag-alala. Ipagkatiwala natin sa Dios ang ating sitwasyon at Siya ang kikilos para sa atin.
Kapag napupuno na ng kabalisahan ang ating isip, alalahanin natin ang sinabi ni Haring David nang dumanas siya ng paghihirap at pag-aalala, “Ibigay mo sa Panginoon ang iyong alalahanin at aalagaan ka Niya” (SALMO 55:22).