Noong nakaraang taon, idinalangin naming magkakaibigan ang tatlong babae na may sakit na kanser. Naniniwala kami na kayang-kaya silang pagalingin ng Dios. May mga pagkakataon na gumaganda ang kanilang kalusugan pero hindi nagtagal at namatay din silang lahat. Sinabi ng ilan na maituturing ito na “tunay na kagalingan” pero lubos pa rin naming ikinalungkot ang kanilang pagkawala. Hindi iyon ang kasagutan na inaasahan namin mula sa Panginoon. Bakit hindi Siya gumawa ng himala?
Mababasa natin sa aklat ng Juan na may mga sumusunod kay Jesus dahil lamang sa mga himalang ginagawa Niya at para matugunan ang kanilang pangangailangan (6:2, 26).
May ilan naman na ang tingin lamang sa Kanya ay anak ng karpintero (MATEO 13:55-58), at ang iba nama’y inaasahan nila na Siya ang magiging hari nila (LUCAS 19:37-38). Isang mahusay na guro naman ang tingin ng ilan sa Kanya (MATEO 7:28-29) at ang iba nama’y hindi na sumunod sa Kanya dahil nahihirapan silang intindihin ang Kanyang mga turo (JUAN 6:66).
Bagamat hindi laging ginagawa ni Jesus kung ano ang inaasahan natin mula sa Kanya, higit Siyang dakila kaysa sa iniisip natin. Siya ang nagkakaloob ng buhay na walang hanggan (TAL. 47-48). Siya ay mabuti at puno ng karunungan. Lubos Niya tayong minamahal at pinapatawad at lagi Siyang nasa tabi natin upang bigyan tayo ng kaaliwan at kapahingahan. Nawa’y patuloy tayong sumunod sa Kanya ano man ang mangyari.