Ginaganap ang aming pananambahan sa isang dating eskuwelahan na ipinasara noong 1958 dahil tumanggi itong sumunod sa utos ng korte na payagan nang makapag-aral doon ang mga African-American. Mga puti o Caucasian lang kasi ang nag-aaral sa eskuwelahang iyon. Nang sumunod na taon, muli itong nagbukas at kabilang sa mga estudyanteng African-American na naunang nag-aral doon si Elva. Naalala pa niya ang naranasan niya noon, “parang inalis ako sa ligtas na lugar at inilagay sa isang nakakatakot na kapaligiran.” Sa kabila ng matinding hirap na dinanas niya sa mundo ng mga puti, naging matapang siya, tumatag ang kanyang pananampalataya at naging mapagpatawad.
Tunay ngang matindi ang naranasang paghihirap ni Elva dahil napaligiran siya ng mga taong ayaw tanggapin ang katotohanan na ang lahat ng tao, ano man ang lahi o pinagmulan ay pantay-pantay at mahal ng Dios. Ganito rin ang pag-iisip ng ilang mga naunang mananampalataya. Iniisip nila na may mga taong mas nakahihigit sa paningin ng Dios.
Nag-iba naman ito nang ipahayag ni Pedro ang natanggap niyang pangitain, “Ngayon alam ko nang walang pinapaboran ang Dios. Kung ang tao ay may takot sa Dios at tama ang kanyang ginagawa, kahit ano ang lahi niyaʼy tatanggapin siya ng Dios” (GAWA 10:34-35).
Bukas ang mga bisig ng Dios upang maipaabot ang Kanyang pagmamahal sa ating lahat. Magawa din nawa natin ang ganito sa tulong Niya.