Para sa isang claustrophobic na tulad ko, napakahirap ang manatili sa loob ng MRI machine. Kinailangan kong ituon ang isipan ko sa ibang bagay at para maalis ang isipan ko kung nasaan ako.
Habang naririnig ko ang tunog ng makina, naisip ko ang sinasabi sa Efeso 3, “kung gaano kalawak, at kahaba, at kataas, at kalalim ang pag-ibig ni Cristo” (TAL. 18). Inilarawan dito ni Apostol Pablo ang pag-ibig ng Dios sa apat na sukatan. Ginawa niya ito upang bigyang diin na hindi talaga masusukat ang pag-ibig sa atin ng Dios.
Mas naunawaan ko ang ibig sabihin ng talatang ito habang nakahiga ako sa loob ng MRI machine. Lawak: anim na pulgada sa magkabila kong kamay kung saan ako nakahiga. Haba: ang layo ng dalawang butas mula sa aking ulo papuntang paa. Taas: anim na pulgada ulit mula sa dulo ng ilong ko hanggang sa ceiling ng scanner. Lalim: ang tubo na sumusuporta sa makina mula sa sahig papunta sa akin.
Nakapalibot sa atin ang pag-ibig at presensya ng Dios sa anumang pangyayari sa ating buhay. Lawak: bukas ang Kanyang mga bisig para abutin ang lahat ng tao. Haba: hindi kailanman magwawakas ang Kanyang pagmamahal. Taas: itinataas Niya tayo sa tuwing tayo’y nalulugmok. Lalim: ibinababa Niya ang Kanyang kamay upang abutin tayo at hawakan sa lahat ng sitwasyon. Nakatitiyak tayo na walang makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Dios! (ROMA 8:38-39).