Tunay na may matututunan tayo tungkol sa pananampalataya mula sa mga hindi natin inaasahan tulad na lamang ng aso kong si Bear. Sa tuwing nauubusan siya ng tubig sa kanyang lalagyan, hindi siya tumatahol para ipaalam ito sa akin. Tahimik lang siyang naghihintay sa tabi nito gaano man ito katagal. Nagtitiwala si Bear na pupuntahan ko siya at ibibigay kung ano ang kailangan niya. Ang matiyagang paghihintay at pagtitiwala sa akin ni Bear ang nagpaalala sa akin na higit pa akong magtiwala sa Dios.
Sinasabi sa Biblia na, “Ang pananampalataya ay ang katiyakan na matatanggap natin ang mga bagay na inaasahan natin. At ito ay ang pagiging sigurado sa mga bagay na hindi natin nakikita” (HEBREO 11:1). May katiyakan at kapanatagan tayo dahil ang Dios mismo ang ating pundasyon na siyang nagbibigay ng gantimpala sa mga taong humahanap sa Kanya (TAL. 6).
Tapat ang Dios sa pagtupad ng Kanyang mga pangako sa lahat ng mga magtitiwala at lalapit sa Kanya sa pamamagitan ni Jesus.
Minsan, mahirap talagang manampalataya sa mga bagay na hindi naman natin nakikita. Gayon pa man, mapagkakatiwalaan natin ang Dios dahil Siya’y mabuti, mapagmahal at puno ng karunungan. Maaasahan natin Siya kahit na minsan ay kailangan nating maghintay. Tapat ang Dios at gagawin Niya ang Kanyang sinasabi: ang iligtas ang ating kaluluwa at ipagkaloob ang ating mga pangangailangan, ngayon at magpakailanman.