Maraming kinapapanabikan sa kanyang buhay ang aking ama. Tulad ng nananabik pa rin siyang muling makabalik sa dati niyang buhay sa kabila ng paglala ng kanyang sakit na Parkinson’s. Sa gitna naman ng kanyang paghihirap at kalungkutan, nananabik siya sa kapayapaan. Gayon din naman sa kanyang pag-iisa, kinapapanabikan niya ang maramdaman muli ang mahalin at mapahalagahan.
Nababawasan naman ang lungkot ng aking ama sa tuwing binabasa niya ang Salmo 42. Tulad niya, puno din ng pananabik ang sumulat ng salmong ito at inaasam din ang kagalingan (TAL.1-2). Pareho nilang naramdaman ang kalungkutan na tila wala nang katapusan (TAL. 3) at nagsisilbing alaala na lang ang mga masasayang tagpo sa kanilang buhay (TAL. 6). Tulad ng tatay ko, nanghihina ang loob ng salmista na parang tinabunan ng malalaking alon (TAL. 7). Inisip tuloy ng salmista na pinabayaan na siya ng Dios kaya nagtatanong siya, “Bakit?” (TAL. 9).
Nakatulong ang salmong ito sa aking ama na nagpapaalala sa kanya na hindi siya nag-iisa. Unti-unting naging payapa ang kanyang puso. Tila narinig niya ang malumanay na tinig na nagbibigay sa kanya ng katiyakan na kahit wala siyang makuhang sagot at patuloy pa rin siyang nakakaramdam ng sakit ay minamahal siya ng Dios (TAL. 8).
Sapat na ang awit ng papuri na ito para sa aking ama. Sapat na ito para sa kanya upang mapanumbalik ang kanyang pag-asa, pag-ibig at kagalakan. Sapat na rin ito upang matiyaga niyang hintaying magkaroon ng kaganapan ang mga kinapapanabikan niya (TAL. 5, 11).