“Ano ang isang bagay na hindi mo kayang isuko?” Ito ang tanong ng isang DJ sa radyo. Marami namang tagapakinig ang nagbigay ng kanilang mga sagot. May mga nagsabing hindi nila kayang isuko ang kanilang pamilya. May ilan naman na sumagot na hindi nila kayang isuko ang mga pangarap nila sa buhay tulad ng pagiging musikero. Lahat naman talaga tayo ay may mga lubos na pinapahalagahan sa buhay – taong minamahal, pangarap o mga ari-arian.
Sa aklat naman ng Hosea, ipinahayag ng Dios na hindi Niya susukuan ang bansang Israel. Ito ang bansang Kanyang pinili at pinaka-iingatan. Kaya tulad ng isang mapagmahal na asawang lalaki, pinagkalooban ng Dios ang Israel ng lahat nitong pangangailangan. Ngunit tulad naman ng mapangalunyang asawa, naghanap ng iba ang Israel. Kahit patuloy na tinawag ng Dios ang mamamayan ng Israel, lalo pa silang lumayo sa Kanya (HOSEA 11:2).
Pero kahit lubos na nasasaktan sa kanila ang Dios, hindi pa rin Niya sila sinukuan (TAL. 8). Sa Kanyang pagnanais na mapanumbalik ang kanilang magandang ugnayan, dinisiplina Niya sila upang Kanya silang mailigtas (TAL. 11).
Sa ngayon, makatitiyak tayong lahat na mga anak ng Dios na walang makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig Niya (ROMA 8:37-38). Kahit lumayo tayo sa Kanya, kailanma’y hindi Niya tayo susukuan at patuloy na hahangarin ang ating pagbabalik. At kapag dinidisiplina Niya tayo, tanda lamang ito ng Kanyang pagmamahal sa atin. Tayo ang itinuturing ng Dios na kayamanang lubos Niyang pinahahalagahan na hindi Niya isusuko.