Madalas nating naririnig ang mga tanong na, “Malapit na ba?” o “Matagal pa ba?” kapag nasa biyahe tayo. Dahil sa pananabik na makarating agad sa pupuntahang lugar, ito ang mga katanungang bukambibig ng mga bata man o matanda. Ganito rin ang mga tanong natin kapag pinanghihinaan na tayo ng loob dahil sa mga nararanasan nating pagsubok sa buhay na tila hindi natatapos.
Mababasa natin sa Salmo 13 na ilang beses ding nagtanong si David dahil pakiramdam niya’y kinalimutan at pinabayaan na siya ng Dios. Itinanong niya sa Panginoon, “Hanggang kailan…hanggang kailan ko dadalhin itong mga pangamba ko?” (TAL 1-2). Tulad ng salmong ito ni David, maaari din tayong magtanong sa Panginoon habang sinasamba pa rin natin Siya.
Sino pa ba ang makahihigit sa Dios na mabuting lapitan at kausapin sa oras ng pagsubok? Maidudulog natin sa Kanya ang lahat ng ating mga problema tulad ng karamdaman, pagdadalamhati, katigasan ng ulo ng isang mahal sa buhay, at maging ang ating problema pagdating sa ating ugnayan sa Dios.
Maaari pa rin tayong patuloy na sumamba sa Dios kahit may mga tanong tayo sa Kanya. Nais Niya na idulog natin sa Kanya ang mga tanong natin na dulot ng ating mga alalahanin. At marahil, tulad ni David, sa paglipas ng panahon ay mapalitan ang mga tanong natin ng mga pagpapahayag ng ating tiwala at pagsamba sa Panginoon (TAL. 3-6).