Kilalang sayaw ng mga Mexican ang Jarabe Tapatio na nagpapakita ng pag-iibigan ng magkapareha. Sa pagtatapos ng sayaw, itinatakip ng magkapareha ang isang sombrero sa kanilang mga mukha upang maitago ang paghalik nila sa isa’t isa na selyo ng kanilang pagmamahalan.
Ang sayaw na ito ay nagpapaalala sa akin ng kahalagahan ng pagiging tapat ng mag-asawa sa bawat isa. Mababasa naman natin sa Kawikaan 5 ang babala tungkol sa pakikiapid. Sinasabi roon na ang mag-asawa ay para lamang sa isa’t isa na “kung baga sa tubig, doon ka lang sa sarili mong balon kumuha ng iyong iinumin” (TAL. 15). Naipakita naman ito ng mga sumayaw ng Jarabe dahil sa kani-kanilang kapareha lamang sila tumitingin. Isang pagpapala na sa iyong asawa ka lamang nakatuon (TAL. 18).
Samantala, alam ng mga sumasayaw na pinapanood sila. May nanonood at nagbabantay din naman sa ating relasyon sa ating asawa, “Sapagkat nakikita ng Panginoon ang lahat ng iyong ginagawa; saan ka man naroroon tinitingnan ka Niya” (TAL. 21). Ginagawa ito ng Dios dahil nais Niya na protektahan ang ating buhay mag-asawa. Masiyahan nawa Siya sa pagiging tapat natin sa ating kani-kaniyang asawa.
Kung paanong may sinusunod na ritmo sa pagsasayaw, may ritmo din tayong kailangang sundin sa buhay. Kapag sinusunod natin ang nais ng ating Manlilikha sa pamamagitan ng pagiging tapat sa Kanya, may-asawa man tayo o wala, makakatanggap tayo ng biyaya at kagalakan.