Habang idinadaos ang aming church service at sinasambit ang Lord’s Prayer, magkakahawak kami ng kamay ng mga magulang ko. Dahil dito, naisip ko na kahit matanda na ako ay matatawag pa rin akong anak nina Leo at Phyllis. Naisip ko rin sa pagkakataong iyon ang katotohanang anak din ako ng Dios at hindi na iyon magbabago.
Ito rin ang nais iparating ni Apostol Pablo sa mga taga-Roma. Tinanggap at ginawa na silang mga anak ng Dios (ROMA 8:15). Pinapatnubayan na sila ng Banal na Espiritu (TAL. 14) upang hindi na sila maging alipin ng mga bagay na wala namang kabuluhan. At pinapatunayan ng Banal na Espiritu na bilang mga anak, tagapagmana na sila ng Dios na kasama ni Cristo (TAL. 17).
Ano nga ba ang magagawa ng pagiging anak ng Dios para sa mga sumasampalataya kay Cristo? Lahat-lahat! Ang ating pagiging anak ng Dios ang magiging pundasyon kung paano natin titingnan ang ating sarili at ang mundo. Ito ang huhulma sa ating pagkatao. Hindi na rin natin aalalahanin pa ang tingin sa atin ng ibang tao. At dahil alam nating bahagi na tayo ng pamilya ng Dios, lalakas ang ating loob na sumunod sa Kanya.
Ngayon, bakit hindi natin pagbulayan kung ano ang ibig sabihin ng pagiging anak ng Dios?