Hindi halos makilala ng guro ang isa sa kanyang mga estudyante nang magkaroon sila ng field trip. Mukha kasi itong matangkad sa tuwing pumapasok sa kanilang eskuwelahan dahil sa pagsusuot ng sapatos na may napakataas na takong. Pero sa pagkakataong iyon, dahil naka boots lang ang estudyante, maliit lang pala talaga siya. Sabi ng estudyante, “Kapag nakatakong ako, iyon ang gusto kong maging ako. Pero kapag naka boots naman ako, iyon ang totoong ako.”
Hindi nasusukat sa pisikal na kaanyuan kung sino talaga tayo, kundi sa nilalaman ng ating puso. May kaugnayan dito ang sinabi ni Jesus sa mga pakitang-tao na “Pariseo at mga tagapagturo ng Kautusan.” Nang tanungin nila si Jesus kung bakit nilalabag ng Kanyang mga tagasunod ang kanilang tradisyon sa pamamagitan ng hindi paghuhugas ng kamay bago kumain (MATEO 15:1-2), sinabi Niya, “At kayo, bakit ninyo nilalabag ang utos ng Dios dahil sa inyong mga tradisyon?” (TAL. 3).
Binigyang-diin pa ni Jesus ang pagiimbento ng mga ito ng mga tradisyon para protektahan ang kanilang yaman sa halip na pangalagaan ang kanilang magulang (TAL. 4-6). Dahil dito, nilalabag nila ang ika-limang utos ng Dios na igalang ang magulang (EXODUS 20:12).
Kung masyado tayong nakatingin sa panlabas na anyo at hinahanapan pa natin ng butas ang Kautusan ng Dios, nilalabag natin ang kalooban Niya. Sinabi ni Jesus, “sa puso ng tao nagmumula ang masasamang pag-iisip na nagtutulak sa kanya para pumatay, mangalunya, gumawa ng sekswal na imoralidad…”(MATEO 15:19). Tanging ang Dios lamang, sa pamamagitan ng kabanalan ni Cristo ang makapagbibigay sa atin ng malinis na puso.