Minsan, inaya ako ng mga anak ko na maglaro sa snow. Napakaginaw noon kaya nag-alinlangan ako. Pumayag na rin ako sa huli pero iniutos ko na magsuot sila ng makakapal na damit, huwag maghiwa-hiwalay at bumalik agad pagkatapos ng labinlimang minuto.
Ginawa ko ang mga utos na iyon dahil sa pagmamahal ko sa kanila at para malaya silang makapaglaro nang hindi nagkaka-frostbite o injury dulot ng sobrang ginaw. Ito rin marahil ang layunin ng sumulat ng Salmo 119 na tila magkasalungat din ang sinabi, “Lagi kong susundin ang Inyong kautusan habang akoʼy nabubuhay” at “Mamumuhay akong may kalayaan dahil pinagsisikapan kong sundin ang Inyong mga tuntunin” (TAL. 44-45). Paanong naiugnay ng manunulat ang kalayaan sa pagsunod sa mga tuntunin ng Dios?
Sa pagsunod sa mga tuntunin ng Dios, maiiwasan natin ang masamang bunga ng paggawa ng mga maling desisyon. Mas makakapamuhay tayong malaya dahil walang kasalanan na nagpapabigat sa atin. Binigyan tayo ng Dios ng mga tuntunin hindi para kontrolin tayo, kundi para magsilbing gabay sa atin at upang ipakita na minamahal Niya tayo.
Napapangiti ako habang pinapanood ko ang masayang paglalaro ng mga anak ko. Malaya silang naglalaro na sinusunod ang mga tuntunin na ibinigay ko. Ganito rin ang ating sitwasyon sa ating relasyon sa Dios. Masasabi rin natin, “Pangunahan Nʼyo ako sa aking pagsunod sa Inyong mga utos, dahil ito ang aking kasiyahan” (TAL. 35).