Nagpunta kaming mag-asawa noon sa Righteous Among the Nations Garden na makikita sa Yad Vashem na isang museo sa Israel. Nakatala roon ang pangalan ng mga nagbuwis ng buhay para iligtas ang mga Judio noong panahon ng Holocaust. Habang nandoon kami, may nakilala kaming grupo na taga-Netherlands. Isa roon ang babae na hinahanap ang pangalan ng kanyang lolo at lola sa listahan. Naging interesado kami at tinanong siya tungkol sa kanilang pamilya.
Kasapi raw sa samahan ng mga tumututol noon ang kanyang lolo at lola na sina Rev. Pieter at Adriana Müller. Mula 1943-1945 ay kinupkop nila ang isang batang Judio at sinabing bunsong anak nila ito. Naantig kami sa kuwento at nagtanong, “Nakaligtas ba ang bata?” Isang matandang lalaki mula sa grupo ang sumagot, “Ako ang batang iyon!”
Ang katapangan ng mga taong nagligtas sa mga Judio noong panahon ng Holocaust ay nagpaalala sa akin kay Reyna Ester. Nang iutos noon ni Haring Xerxes ang pagpatay sa lahat ng mga Judio, noong 475 bc, inisip marahil ni Ester na makakaligtas siya dahil itinago niya na isa siyang Judio. Pero nang humingi ng tulong ang kanyang pinsan para sa ikaliligtas ng mga Judio, nagdesisyon si Ester na gumawa ng hakbang kahit na mapanganib ito para sa kanya. Tinanggap niyang inilagay siya sa posisyon sa panahong iyon para mailigtas ang kapwa niya Judio (ESTER 4:14).
Hindi man natin maranasan na gumawa ng ganoong kalaking desisyon, darating ang pagkakataon na pipili tayo kung mananahimik ba tayo o magsasalita laban sa kawalan ng katarungan at kung tutulong ba tayo o iiwas na lang. Bigyan nawa tayo ng Dios ng lakas ng loob.