Habang naghihintay ako sa istasyon ng tren, maraming negatibong bagay ang pumasok sa isipan ko. Kabilang sa mga ito ang mga babayaran kong utang, mga hindi magandang sinasabi sa akin at kawalang magawa sa di-makatarungang nangyari sa aking kapamilya. Pagdating ng tren, hindi na maganda ang lagay ng aking loob.
Nang sakay na ako ng tren, may panibago na naman akong naisip, ang sumulat sa Dios tungkol sa mga daing ko. Matapos kong isulat at ibuhos ang lahat ng iyon sa aking journal, nakinig naman ako ng mga papuring awit sa aking cellphone. Dahil doon, gumaan ang pakiramdam ko.
Sa pangyayaring iyon, nasunod ko pala ang ginawa ng sumulat ng Salmo 94. Una, ibinuhos din niya ang lahat ng kanyang mga daing, “Tumayo Ka at sa lupa'y igawad ang Iyong hatol, ang hambog ay hatulan Mo ng parusang nauukol…Sino kaya'ng kakampi ko sa pagbaka sa masama? Sino ngayon ang babaka sa masama nilang gawa?” (TAL. 2,16 MBB). Hindi rin siya nagpigil sa pagsasabi sa Dios ng tungkol sa di-makatarungang ginawa sa mga balo at ulila. Pagkatapos sabihin ang kanyang mga daing, nagpuri naman siya sa Dios, “Ngunit Kayo, Panginoon na aking Dios ay aking tagapagtanggol at batong kanlungan” (TAL. 22).
Inaanyayahan tayo ng Dios na idulog sa Kanya ang lahat ng ating mga daing. Sa pamamagitan lamang Niya ay mapapalitan ng pagpupuri ang ating mga takot, kalungkutan at kawalang-pag-asa.