Sa pag-uusap namin ng aking kaibigan, sinabi niya sa akin ang pagtalikod niya sa kanyang pananampalataya. Narinig ko mula sa kanya ang madalas ding itanong ng karamihan: “Paano ako maniniwala sa Dios na wala namang ginagawa?” Naitatanong nga natin ito lalo na kapag may nababalitaan tayong mga masasamang nangyayari sa ating paligid.
Makikita sa sinabi ng kaibigan ko ang masidhing pag-asam niya na kumilos ang Dios, na maaaring naramdaman na rin natin.
Alam na alam ng mga Israelita ang pakiramdam na ito. Nagapi sila ng imperyo ng Babilonia at dinurog na parang bato na nagdulot din ng pagkawasak ng Jerusalem. Isinatinig ni Isaias ang alinlangan ng mga tao: “Nasaan ang Dios na dapat magliligtas sa amin?” (ISAIAS 63:11-15). Ngunit sa lugar ding iyon nanalangin siya ng ganito, “Panginoon, punitin Nʼyo po ang kalangitan. Bumaba Kayo…” (ISAIAS 64:1). Ang hirap at pighati na naranasan ni Isaias ay hindi naging dahilan upang tumalikod siya sa Dios. Sa halip, lalo pa itong nakapagpalapit sa kanya sa Dios.
Nagdudulot ng hindi inaasahang regalo ang ating mga alinlangan at pagkabagabag dahil ipinapakita nito sa atin na higit nating kailangan ang Dios. Tunay namang tumutugon ang Dios. Pinunit nga Niya ang langit at bumaba sa pamamagitan ng pagsugo sa Kanyang Anak na si Jesus. Isinuko naman ni Jesus ang Kanyang napunit na katawan upang ipadama sa atin ang Kanyang lubos na pagmamahal. Dahil kay Jesus, alam nating napakalapit lang ng Dios.