Masaya ako kapag may isang pilantropo na nagpapatayo ng bahay-ampunan. Ngunit mas masayang malaman na gusto nitong ampunin ang isa sa mga bata. Malaking kasiyahan na para sa mga bata ang magkaroon ng tumutulong sa kanila, pero higit na kasiyahan ang tiyak nilang mararamdaman kapag may nais mag-ampon sa kanila at ituring silang tunay na anak.
Kung anak ka na ng Dios, alam mo ang pakiramdam na ito. Napakalaking biyaya na para sa atin na mahalin tayo ng Dios na Kanyang ipinakita sa pamamagitan ng pagsugo Niya sa Kanyang Anak upang tayo’y “hindi mapahamak kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan” (JUAN 3:16). Sapat na iyon para sa atin, pero hindi para sa Dios. Hindi Niya lang isinugo ang Kanyang Anak para maligtas tayo, kundi para maging mga anak Niya rin tayo (GALACIA 4:4-5).
“Anak” ang pantukoy sa atin ni Apostol Pablo dahil kaugalian nila noon ang ipamana sa anak ang lahat ng ari-arian ng kanyang ama. Nais niyang iparating na ang lahat ng sasamplataya kay Jesus ay magiging mga “anak” na ng Dios at tagapagmana na ng Kanyang mga pangako (TAL. 7).
Hindi lang nais ng Dios na iligtas tayo, nais din Niyang ampunin tayo at maging kabilang sa Kanyang pamilya, ibigay ang Kanyang pangalan (PAHAYAG 3:12), at tawaging anak Niya. Wala nang makahihigit pa kapag naging anak ka na ng Dios at malamang lubusan ka Niyang minamahal.