Hinamak ni Edwin Stanton ang pagkatao at pamumuno ni Pangulong Abraham Lincoln sa una nilang pagkikita. Binansagan pa ni Stanton si Lincoln na “nilalang na may mahabang braso.” Pero gayon pa man, pinatawad ni Lincoln si Stanton at binigyan pa siya ng mataas na katungkulan sa gobyerno. Hindi nagtagal, naging mabuting magkaibigan sila. Nang malapit nang mamatay si Lincoln, nandoon si Stanton na lumuluha sa tabi niya. Makikita sa tagpong iyon ang pagmamahal ni Stanton kay Lincoln.
Maganda talaga ang naidudulot ng pagpapatawad na may pagmamahal. May sinabi naman si Apostol Pedro sa mga tagasunod ni Jesus, “Higit sa lahat, magmahalan kayo nang tapat. Sapagkat kung mahal mo ang kapwa mo, mapapatawad mo siya kahit gaano pa karami ang nagawa niyang kasalanan” (1 PEDRO 4:8). Napaisip ako sa sinabi ni Pedro. Naaalala kaya niya ang mga sandaling ipinagkaila niya si Jesus (LUCAS 22:54-62)? Naaalala kaya ni Pedro ang kapatawarang natanggap niya sa pamamagitan ng kamatayan ni Jesus?
Naipadama ni Jesus ang Kanyang lubos na pagmamahal nang ialay Niya ang Kanyang buhay sa krus para iligtas tayo sa kaparusahan sa kasalanan at maayos ang nasira nating relasyon sa Dios (COLOSAS 1:19-20). Ang kapatawarang natanggap natin sa Dios ang nagbibigay sa atin ng kakayahan upang mapatawad ang iba. Dahil kung sa sariling kakayahan lang tayo aasa, mahirap para sa atin ang magpatawad. Bibigyan din tayo ng Dios ng kakayahan na ipagpatuloy ang pagpapadama ng Kanyang kagandahang-loob sa iba.