Inalok ang artista na si Diane Kruger na gumanap bilang isang may-bahay na namatayan ng asawa at anak. Tinanggap naman niya ang alok kahit na may pag-aalinlangan. Hindi niya kasi alam kung magiging kapani-paniwala ba ang kanyang pag-arte dahil hindi pa niya nararanasan ang ganoong pangyayari. Kaya naman, bilang paghahanda, dumalo siya sa mga pagtitipon kung saan tinutulungan ang mga taong dumaranas ng labis na kalungkutan sa buhay.
Tulad ng nakakarami na nagnanais makatulong, nagbigay si Diane ng payo sa mga taong nagkuwento ng kanilang karanasan. Pero hindi nagtagal, nagsimula siyang makinig na lamang. Dahil doon, mas naunawaan ni Diane ang kanilang mga pinagdaraanan. Ang pagkaunawang iyon ay dahil sa pakikinig ni Diane gamit ang kanyang tainga.
Hinatulan naman ni Propeta Jeremias ang mga taong tumangging gamitin ang kanilang mga tainga upang marinig ang tinig ng Panginoon. Tinawag pa ni Jeremias ang mga taong ito na “mga hangal at matitigas ang ulo” (JEREMIAS 5:21). Ipinababatid ng Dios na lagi Siyang kumikilos sa ating buhay sa pamamagitan ng pagpapahayag ng Kanyang pagmamahal, pagbibigay ng lakas ng loob at mga babala sa atin.
Gamit naman ang ating mga tainga, nais ng Dios Ama na matuto tayo at lalo pang magtiwala sa Kanya. Ang tanong, ginagamit ba natin ang mga ito upang marinig ang tinig ng Dios?