Minsan, habang namimili ako sa isang supermarket, napansin ko ang isang babae na matagal na nakatingin sa pinakamataas na istante. Nandoon din kasi sa istanteng iyon ang gusto kong bilhin. Hindi naman ako napapansin ng babae dahil abala siya marahil sa pag-iisip kung ano ang pipiliing bilhin. Tinanong ko siya kung kailangan niya ng tulong. Nagulat siya at sinabing, “Hindi ko man lang napansin na may katabi pala ako. Sige po, pakitulungan na lang po ako.”
Parang ganoon din ang naranasan ng mga alagad ni Jesus nang sundan sila ng napakaraming tao para makinig kay Jesus. Sinabi ng mga alagad kay Jesus, “Nasa ilang na lugar po tayo at dumidilim na. Paalisin N'yo na po ang mga tao para makapunta sila sa mga nayon at nang makabili ng pagkain nila” (MATEO 14:15).
Sinabi naman ni Jesus na ang mga alagad na ang magpakain sa mga tao pero inisip ng mga alagad na hindi magkakasya kung anong mayroon lang sila (TAL. 17). Sa pagkakataong iyon, nakatuon ang isip nila sa kung ano ang kulang. Hindi nila naisip na katabi lang nila si Jesus na hindi lang basta kayang paramihin ang tinapay kundi Siya mismo ang Tinapay na Nagbibigay-Buhay.
Kapag may mga sitwasyon o problema na kailangang harapin, sinisikap nating solusyunan ito nang mag-isa. Nakakalimutan natin na limitado lang ang ating kakayahan at hindi natin naiisip na kasama natin ang Panginoong Jesus para tulungan tayo. Nasa liblib na lugar man tayo o nasa pamilihan, laging handang tumulong sa atin si Jesus na si Emmanuel na nangangahulugang “Kasama natin ang Dios.”