Minsan, tiningnan ng isang lalaki ang CCTV na ikinabit niya sa kanyang bahay para siguraduhin na gumagana ito. Naalarma siya nang makita sa CCTV na may umaaligid sa kanyang bakuran. Pinanood niya ito nang mabuti para makita kung ano ang gagawin ng lalaki. Mukhang pamilyar sa kanya ang lalaki hanggang sa mapagtanto niya na siya pala mismo ang napanood niya sa CCTV.
Ano kaya ang makikita natin kung may pagkakataon na maobserbahan natin ang ating sarili sa isang sitwasyon? Noong nagkasala si David dahil nangalunya siya at lubos siyang nabigatan dahil dito, kinailangan niya ng taong magsasabi sa kanya ng ibang pananaw, at si Natan ang isinugo ng Dios (2 SAMUEL 12).
Nagkuwento si Natan kay David tungkol sa isang mayaman na kinuha ang kaisa-isang tupa ng isang mahirap. Kahit marami nang alagang hayop ang mayaman, kinatay niya pa rin ang tupa ng mahirap at ipinakain sa bisita. Kalaunan, ibinunyag ni Natan na ang kuwentong iyon ay tumutukoy sa nagawa ni David. Napagtanto ni David kung gaano kasama ang ginawa niya kay Uria. Sinabi ni Natan sa kanya ang bunga ng mga pagkakasala ni David pero sinabi niya kay David na, “Pinatawad ka na ng Panginoon” (TAL. 13).
Kung may kasalanan tayo na inihahayag ng Dios, ginagawa Niya ito para bigyan tayo ng bagong panimula at ayusin ang nasirang relasyon sa taong nagawan natin ng mali. Ang pagsisisi ang daan para muling mapalapit sa Dios sa pamamagitan ng Kanyang pagpapatawad at kagandahang-loob.