Minsan, nang sumilip ako sa labas mula sa aming bakod, nakita ko ang ilang taong tumatakbo, naglalakad at naglilibot sa parke. Sumagi sa isip ko na nagagawa ko iyon noong malakas pa ako. Dahil doon, nakaramdam ako ng lungkot at naisip ko na may kulang sa akin.
Kalaunan, nabasa ko ang Isaias 55:1, “Lumapit kayo, lahat kayong nauuhaw, narito ang tubig! Kahit wala kayong pera, lumapit kayo at kumain! Halikayo, kumuha kayo ng inumin at gatas ng walang bayad!” Naisip ko na likas sa mga tao na magkaroon ng pagkauhaw o laging may hinahanap pero walang anumang magagandang bagay ang makakapagbibigay sa atin ng lubos na kasiyahan. Kahit magkaroon man ako ng matitibay na binti, mayroon at mayroon pa rin akong hahanap-hanapin. Kaya naman, magdudulot pa rin ito ng kalungkutan para sa akin.
Ayon sa ating kultura, makapagbibigay ng walang hanggang kasiyahan ang mga ginagawa natin, binibili, sinusuot o sinasakyan. Pero isa itong kasinungalingan. Hindi lubusang mapupunan ng mga ito ang mga hinahanap-hanap natin sa buhay.
Sa halip na umasa sa mga bagay na ito, hinihikayat tayo ni Isaias na lumapit sa Dios at basahin ang Biblia para malaman kung ano ang sinasabi Niya. At ano ang sinasabi ng Dios? Kung paanong tapat at walang hanggan ang pagmamahal Niya kay David (TAL. 3), ganoon din ang pagmamahal Niya sa atin kaya maaari tayong lumapit sa Kanya.