Nang malaman ko na may kanser ang aking kapatid, sinabi ko sa mga kaibigan ko na, “Hangga’t maaari, maglalaan ako nang mas mahabang oras para sa ate ko simula ngayon.” May ilang nagsabi na tila labis ang reaksyon ko pero pumanaw agad ang kapatid ko sa loob lamang ng sampung buwan. Bagama’t naglaan ako ng maraming oras para makasama siya, hindi pa rin iyon naging sapat para maipakita ko ang pagmamahal ko sa kanya.
Pinaalalahanan naman ni Apostol Pedro ang mga unang nagtitiwala kay Jesus na magmahalan nang tapat (1PEDRO 4:8). Nakakaranas sila noon ng matinding pagmamalupit kaya nangangailangan sila ng pagmamahal mula sa kanilang mga kapwa mananampalataya. Dahil ipinakita ng Dios ang Kanyang dakilang pag-ibig sa kanila, nais rin naman ng mga mananampalataya na ipadama ito sa iba. Sa tulong ng Dios, naipakita nila ang kanilang pagmamahal sa pamamagitan ng pagdadalanginan, pagtanggap sa kanilang mga tahanan, at pagiging totoo at malumanay sa kanilang pakikipag-usap (TAL. 9-11).
Nagawa nilang mapaglingkuran ang bawat isa sa pamamagitan ng mga kakayahang ipinagkaloob sa kanila ng Dios at dahil doo’y naisakatuparan ang mga mabuting layunin ng Dios. Napapurihan din nila ang Dios sa lahat ng ginagawa nila sa pamamagitan ni Jesu-Cristo (TAL. 11). Ito ang napakagandang plano ng Dios na matutupad din sa pamamagitan natin.
Kailangan natin ang ibang tao at kailangan din naman nila tayo. Simula ngayon, ang natanggap natin mula sa Dios na kakayahan, oras at pagpapala ay ilaan natin sa ating kapwa bilang pagpapakita ng pagmamahal sa kanila.