Isang nakalamukot na papel ang nakita sa lugar kung saan pinatay ng mga Nazi ang halos 50,000 kababaihan. Ito ang mababasa sa papel: “O Panginoon,...alalahanin N’yo rin po maging ang mga taong gumawa sa amin ng masama. Ngunit huwag N’yo pong alalahanin ang pagpapahirap na ginawa nila sa amin. Sa halip, Inyo pong alalahanin ang mga magandang bunga na naidulot ng mga pagpapahirap na ito. Natutunan naming makisama, maging matapat, ma pagpakumbaba, matapang, mapagbigay, at magkaroon ng mabuting puso. At kung darating na ang paghatol N’yo sa kanila, ang lahat nawa ng bungang ito ang maging dahilan upang patawarin N’yo sila.”
Hindi ko lubos maisip kung gaano katindi ang takot at hirap na dinanas ng babaeng sumulat ng panalanging iyon. Hindi ko rin maisip kung paano niya nagawang isulat iyon sa kabila ng napakahirap niyang sitwasyon. Nagawa niya ang tila imposibleng gawin ng isang tao, ang ihingi ng tawad sa Dios ang mga nagpahirap sa kanya.
Naalala ko sa panalanging iyon ang panalangin ni Jesus. Matapos Siyang akusahan, Siya’y kinutya, hinagupit, ipinahiya at ipinako sa krus (LUCAS 23:33). Inaasahan ko na hahatulan ni Jesus ang mga nagpahirap sa Kanya pero sa halip, nanalangin si Jesus na taliwas sa karaniwang gagawin ng tao, “Ama, patawarin Mo sila dahil hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa” (TAL. 34).
Tila imposible ang kapatawaran na inaalok ni Jesus pero ibinibigay Niya ito sa atin. Dahil sa Kanyang kagandahang-loob, makakamtan natin ang imposibleng pagpapatawad na ito.