Tuwing hapon, patalon-talon at umiindak na bumababa sa kanilang school bus ang labing-apat na taong gulang na si CJ. Nagsasayaw siya dahil masaya siya at gusto niya ring pasayahin ang mga tao. Isang araw, may dalawang tagakolekta ng basura ang nakisayaw kay CJ. Ipinakita nilang tatlo ang lubos na kagalakan at kung paanong nakakaimpluwensiya sa iba ang kanilang kagalakan.
Mababasa naman natin sa Salmo 149 na ang Dios ang pinagmumulan ng tunay at walang maliw na kagalakan. Hinihikayat ng sumulat ng salmong ito ang mga tao na magsama-sama at umawit ng bagong awit para sa Panginoon (Tal. 1). Sinabi pa niya, “Magalak ang mga taga-Israel sa kanilang Manlilikha” at “sa kanilang Hari” (Tal. 2). Hinihikayat niya tayo na magpuri sa Dios sa pamamagitan ng pagsasayaw at pagtugtog (Tal. 3). Dapat natin itong gawin dahil “ang Panginoon ay nalulugod sa Kanyang mga mamamayan; pinararangalan Niya ang mga mapagpa-kumbaba sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng tagumpay” (Tal. 4).
Ang ating kamangha-manghang Dios ang lumikha at nagpapanatili ng lahat. Nasisiyahan Siya sa atin dahil tayo’y mga minamahal Niyang anak. Siya ang nagdisenyo at nakakakilala sa atin, at inaanyayahan Niya tayo na magkaroon ng maayos na relasyon sa Kanya. Malaking karangalan ito para sa atin!
Ang mapagmahal at buhay na Dios ang dahilan ng ating walang hanggang kagalakan. Tunay na kasiyahan para sa atin na lagi natin Siyang kasama at dahil sa ipinagkakaloob Niya sa atin sa bawat araw.