Minsan, nakipagtalo ako sa isang taong hindi ko kilala gamit ang facebook. Isa itong napakalaking sablay na nagawa ko. Hindi naging maayos ang pagsasalita ko habang itinatama ko ang pananaw niya. Nasayang ko ang pagkakataon na maipahayag sa kanya ang tungkol sa Panginoong Jesus. Sinabi naman ng isang dalubhasa sa pakikisalamuha sa tao na hindi dapat nagbubunga ng galit ang anumang usapin na ipinahayag sa internet dahil malaya ang iba na magbigay ng sarili nilang pananaw ukol dito.

Mayroon namang magandang ipinayo si Apostol Pablo kay Timoteo na kanyang kapwa lingkod sa Panginoong Jesus. Sinabi ni Pablo kay Timoteo, “Iwasan mo ang mga walang kwentang pakikipagtalo, dahil alam mong hahantong lang ito sa alitan. Ang lingkod ng Dios ay hindi dapat nakikipag-away, kundi mabait sa lahat, marunong magturo at mapagtimpi” (2 Timoteo 2:23-24).

Paghahanda para kay Timoteo ang mga payong iyon. Alam kasi ni Pablo na sa pagpapastor ni Timoteo, magtuturo siya ng mga prinsipyo at katotohanan tungkol sa Salita ng Dios. Napapanahon din naman sa atin ang payong ito ni Pablo lalo na sa tuwing ipinapahayag natin ang tungkol sa ating pagtitiwala kay Jesus. “Mahinahong itinutuwid ang mga sumasalungat sa kanya, baka sakaling marapatin ng Dios na sila’y magsisi’t tumalikod sa kanilang mga kasalanan upang makilala nila ang katotohanan” (T. 25 MBB).

Ang pagsasalita ng may kahinahunan ay hindi lamang para sa mga pastor. Sa halip, para ito sa lahat na mga nagmamahal at nagtitiwala sa Dios na nagnanais ipahayag ang tungkol sa Kanya.