Takot na ikinuwento ng aking anak na babae ang tungkol sa nangyaring sunog sa kanilang eskuwelahan. Pero hindi lamang iyon ang napinsala ng tinaguriang 2018 Woolsey Fire sa California. Natupok nito ang ekta-ektaryang lupa at naging sanhi rin ng pagkamatay ng tatlo katao. Hindi inaasahan ng mga tao lalo na ng mga bumbero ang mabilis na pagkalat ng sunog na nagsimula lamang sa maliit na mitsa, ang mainit na panahon at ang pag-ihip ng hangin.
May binabanggit naman si Santiago sa kanyang aklat tungkol sa maliit ngunit makapangyarihan: ang preno na nilalagay sa bibig ng kabayo at ang maliit na timon sa barko (3:3-4). Napapasunod ang kabayo sa pamamagitan ng maliit na preno at ganoon din ang epekto ng maliit na timon sa malaking barko. Sinabi ni Santiago na tulad ng mga ito ang ating dila na kahit maliit lang na bahagi ng katawan ay nakakagawa ng malaking kayabangan.
Bagama’t para talaga sa mga tagapagturo ang kabanatang ito (Tal. 1), magsisilbi rin itong paalala para sa ating lahat. Dapat nating ingatan ang ating dila dahil kahit maliit ito, para itong naglalagablab na sunog na magdudulot ng malaking pinsala.
Makapangyarihan ang ating dila pero higit na makapang- yarihan ang ating Dios. Humingi tayo ng tulong sa Kanya sa bawat araw upang maiwasan ang pinsalang dulot ng ating dila. Siya ang gagabay at magbibigay sa atin ng lakas para magamit natin nang maayos ang ating dila.