Iniwan na ni Leon ang kanyang trabaho dahil nawawalan na siya ng gana at nais niyang magkaroon ng mas makabuluhang buhay. Minsan, may nakita siyang isang palaboy na lalaki na may hawak na karatula, ANG KABAITAN ANG PINAKAMABISANG GAMOT. Sinabi ni Leon, “Nangusap sa akin ang mga salitang iyon.”
Nagpasya si Leon na magsimulang muli ng panibagong buhay sa pamamagitan ng pagtatayo ng isang organisasyon na nagtataguyod sa kabaitan. Pumupunta siya sa iba’t ibang dako ng mundo at umaasa lamang sa mga estranghero para sa kanyang kakainin, titirahan at iba pang pangangailangan. At pagkatapos noon, sinusuklian niya ang kanilang kabaitan sa pamamagitan ng pagpapakita rin ng kabutihan tulad ng pagpapakain sa mga bata sa ampunan at pagpapatayo ng mga eskuwelahan para sa mga mahihirap na bata. Sinabi niya, “Minsan ang tingin ng iba sa pagiging mabait ay pagiging malambot o mahina pero ang totoo, pagpapakita ito ng pagiging malakas.”
Bilang Dios, isa sa katangian ni Jesus ay ang pagiging mabuti kaya likas sa Kanya na magpakita ng kabaitan. Natutuwa ako sa kuwento tungkol sa ginawa ni Jesus nang pumunta Siya sa libing ng kaisa-isang anak ng isang biyuda (Lucas 7:11-17). Maaaring umaasa lamang ang nagluluksang biyudang iyon sa kanyang anak para sa kanyang ikabubuhay.
Walang nagsabi kay Jesus na tulungan ang biyuda ngunit binuhay Niya ang anak nito dahil nag-umapaw sa puso Niya ang kahabagan at kabutihan (Tal. 13). Nagpuri naman sa Dios ang mga naroon at sinabing isinugo ng Dios si Jesus para tulungan ang mga tao (Tal.16).