May napansin ang psychiatrist na si Robert Coles sa mga taong nakakaranas ng tinatawag na burn out o lubos na pagkapagod dulot ng paglilingkod sa iba. Madali na silang makaramdam ng panghihina, nawawalan ng pag-asa, labis na nalulungkot at sa huli’y hindi na makayanan ang kabigatang dulot nito.

Naranasan ko ang mga iyon nang matapos kong maisulat ang aking libro tungkol sa pagtatagumpay laban sa mga hindi natamong pangarap sa buhay. Naging abala ako noon sa pagsasalita sa mga conference. Bagama’t nasisiyahan ako sa pagtulong sa mga nawalan ng pag-asa, hindi ito naging madali para sa akin. May pagkakataon na bago ako tumayo sa harap ng mga tao, akala ko’y mawawalan ako ng malay. Hindi kasi ako nakatulog nang maayos noon, pagod at naging mabigat para sa akin ang pakikinig sa problema ng mga tao.

May iminumungkahi naman sa Biblia na maaaring gawin upang maiwasan ang burn out. Sinasabi sa Isaias 40 na magkakaroon ng panibagong lakas ang mga napapagod at nanghihina kung mananangan sila sa Dios (Tal. 29-31). Napagtanto ko na kailangan kong lubos na magtiwala sa Dios sa halip na magtiwala sa sarili kong lakas.

Mababasa naman sa Salmo 103 na pinalalakas tayo ng Dios sa pamamagitan ng pagkakaloob ng mabubuting bagay (Tal. 5). Bukod sa pinatatawad Niya tayo at inililigtas (Tal. 3-4), pinagkakalooban Niya rin tayo ng kagalakan. Muling nanumbalik ang aking lakas nang mas naglaan ako ng oras sa pananalangin at nagpahinga rin. Makakapaglingkod tayo nang mas mabuti kung puno tayo ng pagsamba sa Dios at may tamang pahinga.