Mahilig akong mangolekta. Noong bata ako, mayroon akong koleksyon ng mga selyo, baseball card at komiks. Ngayon naman na isa na akong magulang, nakikita ko rin ang pagkahilig na ito sa aking mga anak. Minsan naiisip ko, kailangan ba talaga nila ng panibagong teddy bear?
Ang pangongolekta ay hindi tungkol sa pagtugon sa kailangan natin. Tinutugon nito ang pagnanais natin ng mga bago at minsa’y kakaibang bagay. Likas na sa atin na isiping kapag hindi natin nakuha ang isang bagay na inaasam natin ay hindi kumpleto ang ating buhay. Iniisip natin na kapag nakuha na natin ito, magiging masaya o kuntento na tayo.
Pero mali ang iniisip nating ito. Bakit? Dahil tanging ang Dios lamang ang makapupuno sa ating puso. Nilikha Niya tayong ganoon. Siya lamang at hindi ang mga bagay dito sa mundo ang makatutugon sa mga tunay na kailangan natin. Sa Kawikaan 11:28, ikinukumpara ang dalawang uri ng tao: ang taong nagtitiwala sa kanyang kayamanan at ang taong matuwid na nagmamahal sa Dios. Ganito naman ang paliwanag ni Eugene Peterson sa talatang ito, “Ang taong masyadong nakatuon sa mga materyal na bagay ay parang patay at ang tao namang nakatuon sa Dios ay parang yumayabong na puno.”
Mali ang akala ng mundo na maganda ang buhay ng isang tao kapag marami itong kayamanan kaya inaanyayahan tayo ng Dios na sa Kanya lamang manangan. Nais Niyang maranasan natin ang Kanyang kabutihan at tayo’y yumabong at mamunga. At dahil sa Kanya tayo nagtitiwala, binabago Niya ang ating puso at mga inaasam.