Pinagmamasdan ko mula sa bintana sa aming kusina ang isang ibon na naglalagay ng damo sa kanyang pugad. Nasisiyahan ako habang pinapanood ito. At bawat araw, sinisilip ko kung may napisa na ba sa mga itlog nito pero nabibigo lang ako. Dalawang linggo pa pala bago mapisa ang itlog ng ibong tinatawag na robin.

Hindi na bago sa akin ang mawalan ng pasensya. Nahihirapan talaga ako sa paghihintay lalo na pagdating sa panalangin. Naghintay kami noon ng asawa ko ng halos 5 taon para makapag-ampon ng anak. Sinabi naman ng manunulat na si Catherine Marshall, “Ang sagot sa panalangin tulad ng itlog ay hindi agad napipisa pagkatapos itong lukuban”

Naging mahirap din para kay Propeta Habakuk ang paghihintay sa sagot sa kanyang panalangin. Dahil sa pagkabigo sa pananahimik ng Dios sa pagmamalupit ng Babilonia sa kaharian ng timog Juda, sinabi niya, “Aakyat ako sa tore, sa aking bantayan at hihintayin ko kung ano ang sasabihin sa akin ng Panginoon at kung ano ang kanyang sagot sa aking hinaing” (2:1). Sinagot naman ng Dios si Habakuk na hintayin niya ang “takdang panahon” (Tal. 3) at inutusan siyang isulat muna “ang pahayag” na iyon (Tal. 2).

Hindi naman binanggit ng Dios na ang tinutukoy niyang “takdang panahon” ng pagbagsak ng Babilonia ay pagkaraan pa ng anim na dekada. Tulad ng mga itlog na hindi agad napipisa, madalas na hindi rin agad nasasagot ang ating mga panalangin. Magtiwala lang tayo sa panahong itinakda ng Dios dahil may maganda Siyang layunin para sa mundo at para sa ating buhay.