May mga bagay na hindi natin lubos maunawaan hangga’t hindi natin ito mismong mararanasan. Noong buntis ako, nagbabasa ako ng libro at nakikinig sa mga kuwento tungkol sa panganganak. Pero sa kabila nito, hindi ko pa rin maisip kung ano ba talaga ang pakiramdam ng nanganganak. Tila imposibleng makayanan ng katawan ko ang pagsilang ng sanggol!
Ang isinulat ni Pablo sa 1 Corinto tungkol sa pagsilang sa kaharian ng Dios at sa kaligtasang inaalok Niya sa pamamagitan ni Cristo ay tila hindi rin madaling maunawaan ng mga hindi pa ito nararanasan. Itinuturing nilang “kamangmangan” na ang kaligtasan ay sa pamamagitan ng kamatayan sa krus na nagpapakita ng kahinaan, pagkatalo at kahihiyan. Pero ang kamangmangang ito ang kaligtasang ipinapangaral ni Pablo! Hindi ito ang inaasahan ng mga tao.
May ilan na naniniwalang ang Tagapagligtas ay isang politikal na lider. Ang iba nama’y iniisip na ang karangalang nakamit nila sa buhay ang siyang magliligtas sa kanila (1 Corinto 1:22). Ngunit ginulat ng Dios ang lahat nang ipagkaloob Niya ang kaligtasan sa paraan na tanging ang mga maniniwala o makakaranas lamang nito ang makakaunawa.
Ang kamatayan sa krus na itinuturing na mahina at nakakahiya ng mundo ang ginawa ng Dios na pundasyon ng karunungan at kapangyarihan. Pinili Niya ang itinuturing ng mundo na mangmang at mahina upang hiyain ang marunong at malakas (Tal. 27). Hindi man natin lubusang maarok ang pamamaraan ng Dios, laging iyon ang pinakamabuti.