May hindi magandang karanasan noon ang aking ina sa mga sumasampalataya kay Jesus. Kaya, nagalit siya nang malaman na mananampalataya na rin ako. Iniisip niya na huhusgahan ko siya kaya hindi niya ako kinausap sa loob ng isang taon. Labis ko itong ikinalungkot pero napagtanto ko na higit na mahalaga ang relasyon ko sa Dios kaysa sa relasyon ko sa mga mahal ko sa buhay.
Gayon pa man, patuloy kong idinalangin sa Dios ang nanay ko at humingi ako ng tulong na mahalin ko pa siya lalo. Sa tulong ng Dios ay nagkaayos kami. At kalaunan, sinabi ng nanay ko, “Nakita ko ang pagbabago sa’yo. Sa tingin ko, handa na akong makinig ng tungkol kay Jesus.” ‘Di nagtagal, sumampalataya siya kay Jesus at namuhay nang nagpapakita ng pagmamahal sa Dios at sa ibang tao.
May isa namang mayamang lalaki na nagtanong kay Jesus kung paano magkaroon ng buhay na walang hanggan. Pero, nang malaman niya na kailangan niyang ipamigay ang lahat ng kanyang kayamanan, umalis siyang malungkot dahil hindi niya kayang isuko ang kanyang kayamanan (Marcos 10:17-22). Tulad niya, nahihirapan din akong isuko ang lahat para sa Dios at sumunod sa Kanya.
Tunay na hindi madaling isuko ang mga bagay o mga tao na sa tingin nati’y mas magbibigay sa atin ng seguridad kaysa sa Dios (Tal. 23-25). Pero ang buhay na walang hanggan na kasama si Jesus ay higit na mahalaga. Taos-pusong inalay ni Jesus ang Kanyang buhay upang iligtas ang lahat ng tao. Binibigyan Niya rin tayo ng kapayapaan at ipinapadama ang Kanyang lubos na pagmamahal.