Sa loob ng maraming dekada, ang London ang isa sa mga lungsod sa mundo na may pinakamaraming naninirahang iba-ibang lahi. Noong 1933, isinulat ng mamamahayag na si Glyn Roberts na ang pinakamaganda sa London ay ang pagkakaroon nito ng tila parada ng mga tao na may magkakaibang kulay at wika. Hanggang sa ngayon, ito pa rin ang lalong nagpapaganda sa London.
Gayon pa man, nakakaranas din ng problema ang lungsod ng London. Malaking hamon para sa kanila ang mga pagbabago at ang pagbabanggaan ng kultura ng mga naninirahan doon. Isa ito sa mga dahilan kung bakit walang anumang lungsod na itinatag ng tao dito sa mundo ang maikukumpara sa ating tahanan sa langit.
Nang dinala si Juan sa presensya ng Dios, nakita niya ang pagkakaroon ng pagkakaiba-iba ay isa sa elemento ng pagsamba doon sa langit. Umawit ang mga iniligtas, “Kayo po ang karapat-dapat na kumuha ng kasulatan at magtanggal ng mga selyo nito, dahil Kayo ay pinatay, at sa pamamagitan ng Inyong dugo ay tinubos N’yo ang mga tao para sa Dios. Ang mga taong ito ay mula sa bawat angkan, wika, lahi, at bansa. Ginawa N’yo silang mga hari at mga pari upang maglingkod sa ating Dios. At maghahari sila sa mundo” (Pahayag 5:9-10).
Napakaganda sigurong pagmasdan na magkakasama ang magkakaibang grupo ng mga tao at ipinagdiriwang ang kanilang pagiging anak ng buhay na Dios! Bilang mga mananampalataya ni Cristo, nawa’y ipagdiwang natin ang ating pagkakaiba-iba ngayon.