Ang pinakanakakahiyang nangyari sa akin ay noong maging tagapagsalita ako sa pagdiriwang ng ika-limampung anibersaryo ng isang seminaryo. Sa aking pagsisimula, natuon ang paningin ko sa mga propesor na nakaupo sa pinakaharap at mukhang seryosong-seryoso. Sa pagkakataong iyon, nawala ako sa ulirat. Nanuyo ang lalamunan ko at hindi ako makapag-isip nang maayos. Nag-umpisa na akong magsalita pero hindi ko na nasunod ang ginawa kong kopya kaya may mga pagkakataon na naguluhan ang mga tao sa mga sinasabi ko. Natapos ko naman ang aking mensahe, bumalik na ako sa upuan at tumingin na lang sa sahig. Para bang gusto ko nang mamatay sa mga oras na iyon dahil sa kahihiyan.
Natutunan ko naman na ang mga ganoong nakakahiyang karanasan ay maaaring maging mabuti kung sa pamamagitan nito’y magiging mapagpakumbaba ang isang tao. Sinasabi sa Santiago, “Kinakalaban ng Dios ang mga mapagmataas, pero kinakaawaan Niya ang mapagpakumbaba” (4:6). Pinapakitaan ng Dios ng kagandahang-loob ang mapagpakumbaba.
Siya mismo ang nagsabi, “Binibigyang-pansin Ko ang mga taong mapag-pakumbaba, nagsisisi, at may takot sa Aking mga salita” (Isaias 66:2). Sa ating pagpapakumbaba sa harapan ng Panginoon, itataas Niya tayo (Santiago 4:10).
Ang ating mga nakahihiyang karanasan ay maaaring maging daan para lumapit tayo sa Dios. Huhubugin Niya tayo sa pamamagitan ng mga ito. Hindi tayo dapat matakot dahil mahulog man tayo, Siya ang sasalo sa atin.