Katatapos lang dumaan ng malakas na bagyo sa bagong lugar na tinitirhan namin. Nagdulot ito ng madilim na kalangitan at maalinsangang panahon. Habang ipinapasyal ko ang aming asong si Callie, napuno ang isip ko ng mga hamong hinaharap ng aming pamilya dulot ng paglipat namin. Sa pagkakataong iyon, pinakinggan ko ang pag-agos ng sapa na malapit sa aming bahay at pinagmasdan ang patay-sinding maliliit na ilaw mula sa mga nagliliparang alitaptap.
Naramdaman ko ang kapayapaan na mula sa Panginoon habang pinagmamasdan ang mga kumukutitap na ilaw sa gitna ng dilim. Naisip ko ang awit ni David, “Panginoon kong Dios, Kayo ang nagbibigay sa akin ng liwanag” (Salmo 18:28). Lubos na nagtitiwala si David na ang Dios ang nagbibigay liwanag sa kadiliman at ang nagkakaloob ng kanyang mga pangangailangan at patuloy na nag-iingat sa kanya (29-30). Sa pamamagitan ng lakas na mula sa Dios, makakaya niyang harapin anuman ang dumating na pagsubok sa kanyang buhay (Tal. 32-35). Dahil sa Dios nagtitiwala si David sa lahat ng pagkakataon, ipinangako niya na pupurihin niya ang Dios sa mga bansa at aawitan ng papuri ang Kanyang pangalan (Tal. 36-49).
Nakakaranas man tayo ng bagyo sa buhay o tahimik na panahon pagkatapos ng ulan, ang kapayapaan ng presensya ng Dios ang laging magbibigay liwanag sa ating kadiliman.
Ang ating buhay na Dios ang ating lakas, tanggulan at ang laging nagpapanatili at nagliligtas sa atin.