Hindi ko na masyadong maalala ang kariktan ng aming anak na si Melissa. Halos nawala na sa memorya ko ang mga masasayang araw kung saan pinapanood namin siyang naglalaro ng voleyball. At kung minsan, hirap akong alalahanin ang kanyang ngiti. Ang kanyang pagkamatay sa edad na 17 ang tumakip sa kasiyahang dulot ng kanyang presensya.
Sa Aklat ng Panaghoy, naipahayag sa mga sinabi ni Jeremias na nauunawaan niya na maaring masugatan ang puso. Sinabi niya, “Nawala na ang karangalan ko at lahat ng pag-asa sa Panginoon” (3:18). Ibang-iba ang sitwasyon niya sa atin. Ipinangaral niya ang tungkol sa paghatol ng Dios at nasaksihan niya ang pagbagsak ng Jerusalem. Nawala na ang kariktan dahil naramdaman niya ang kanyang pagkatalo at siya rin ay kinutya at inisip na pinabayaan na ng Dios (Tal. 12,14-20).
Pero hindi natapos doon ang kanyang kuwento. Suminag ang liwanag at sa kabila ng kabigatan sa kanyang puso, sinabi ni Jeremias, “Pero nanunumbalik ang pag-asa ko” (Tal. 21). Ang pag-asang iyon ay mula sa katotohanang dakila ang pag-ibig at awa ng Dios at dahil doo’y alam niyang hindi sila lubusang nalipol. “Araw-araw ay ipinapakita Niya ang Kanyang habag” (Tal. 22-23). At ito rin ang dapat nating alalahanin kung sa tingin nati’y nawala na ang ating kariktan o karangalan.
Kahit na tayo’y nasa pinakamadilim na tagpo ng ating buhay, patuloy nating mamamalas ang dakilang katapatan ng ating Panginoon!