Dahil sa mga hamong hinaharap ng isang bata sa eskuwelahan, tinuruan siya ng kanyang ama na laging sabihin ito sa bawat araw bago siya pumasok: “Nagpapasalamat ako sa Dios sa paggising Niya sa akin sa araw na ito. Papasok ako sa eskuwelahan para matuto at maging isang lider bilang pagtupad sa nais ipagawa sa akin ng Dios.” Sa pamamagitan nito’y umaasa ang ama na makakatulong ito sa kanyang anak sa pagharap sa mga mahihirap na sitwasyon.
Sa pamamagitan ng ginawang ito ng ama para sa bata, tila sinunod niya ang inutos ng Dios sa mga Israelita noong nasa disyerto sila, “Huwag ninyong kalilimutan ang mga utos na ito na ibinigay Ko sa inyo ngayon. Ituro ninyo ito sa inyong mga anak” (Deuteronomio 6:6-7).
Pagkatapos magpaikot-ikot sa ilang sa loob ng 40 taon, papasok na sa Lupang Pangako ang bagong henerasyon ng mga Israelita. Alam ng Dios na hindi magiging madali para sa kanila ang magtagumpay at magagawa lamang nila ito kung patuloy silang magtitiwala at nakatuon sa Kanya. Kaya naman, sa pamamagitan ni Moises, hinikayat sila ng Dios na alalahanin Siya at sumunod sa Kanya. Nais ng Dios na tulungan nila ang kanilang mga anak na kilalanin at mahalin ang Dios sa pamamagitan ng pagtuturo sa kanila ng Kanyang mga Salita, “Pag-usapan ninyo ito kapag kayo’y nasa inyong mga bahay at kapag naglalakad, kapag nakahiga, at kapag babangon kayo” (Tal. 7).
Nararapat din naman na pagbulayan natin ang Salita ng Dios sa bawat araw upang magsilbing gabay sa ating puso at isip at mapuno rin nawa tayo ng pasasalamat sa Dios.